Kaibigan, Kaibigan

Kailanma’y hindi naging lihim
Sa kahit kanino itong aking pagtingin
Dahil pagdating sa iyo’y
Hindi ko kayang magsinungaling

Kaya’t patawa kong aaminin
O kaya’y mahinang sasambitin
Oo, gusto kita aking giliw
Sabay iwas. Pasensya, ako ay mahiyain

Kasalanan ko, ako ay nalipasan
Panahon ko ay mabilis na lumisan
Subalit alaala mo’y hinding-hindi malilimutan
Nakadikit dito sa aking pusong nasugatan

Ngunit bakit patuloy pa rin itong aking pagtula?
Akala ko’y nagwakas na itong aking pagnanasa
Oo, mayroon pa pero ngayon ay tila may pagkakaiba
Sa pagkakaibigan mo na pala ako umaasa

Dahil isa ka pa rin sa iilang tao
Na kilala ang tunay na ako
Sa iyo’y walang itinatagong sikreto
Iyan ang kailanma’y hindi na magbabago

Nakaraan o Kinabukasan

Sa paglipas ng panahon
Unti-unti na kitang nakakalimutan
Subalit iyon nga ba ang aking kagustuhan?

Habang umiihip ang amihan
Nagbabago na din ang nakagawian
Ngunit mabuti kaya iyon o masama gaya ng lason?

Matagal na din akong nagpipilit umahon
Sa mga alaalang dala ng mapait na kahapon
Ngunit saan kaya patutungo itong aking pagbangon?

Ngayong nandito na ang pagkakataon
Kailangan ko nang mag-isip at magdesisyon
Ang madilim na nakaraan, o ang walang kulay na kinabukasan?

Paglalakbay sa Kadiliman

Sa aking paglalakbay
Ako ay napadpad
Sa puso ng kalikasan
Patungo sa kabundukan

Matarik, masukal
Paglakad ay may kahirapan
Pawis, pagod
Kalakip ng bawat pagsubok

Paglubog ng araw
Sa daan ay inabot
Ang gabi’y may dalang
Kakaibang kilabot

Takot mapag-isa
Sa gitna ng kawalan
Ang hindi na makabalik
At tuluyang makalimutan

Sa paglamig ng aking katawan
Sabay pagsapit ng karimlan
Kamay lamang ang nanatiling mainit
Hawak ng mga kaibigang nakapaligid

Hindi nga pala ako nag-iisa
Sa paglalakbay ay may kasama
Gabi ay hindi dapat katakutan
May tunay na kaibigan sa Kadiliman